Saturday, September 8, 2018

Ang Dalawang Mukha ni Apolinario Mabini


Kung tutuusin, dalawa ang Apolinario Mabini.  Ang una, si Mabini bago pa man siya itinapon ng mga Amerikano sa Guam, at ang ikalawa ay ang Mabini na nakauwi na ng Pilipinas.  Ang unang Mabini ay pro-Aguinaldo, ngunit ang ikalawang Mabini ay anti-Aguinaldo.  Bakit, ano ang nangyari at naging dalawa?  Nakipagayos ba si Mabini sa mga Amerikano upang payagan siyang makauwi sa Pilipinas at nang di malibing sa Guam.  Ginamit kaya siya ng mga Amerikano na siraan si Aguinaldo upang makatulong sa pagbubura sa kasaysayan ng kanilang di makatarungang pagpuksa sa Republica Filpina na bukod tanging bunga ng makabayang hangarin ng mga Pilipino?  Walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyari.   Sana ay mayroong mahalungkat na katunayan upang malutas ang hiwagang ito.  Samantala, dapat kilalanin na ang mga paninira kay Aguinaldo ay nagmula sa ikalawang Mabini na sinulat sa kanyang "Revolucion Filipina", kaya posibleng nahaluan ito ng ibang kulay.

Sa aklat ni Jose P. Santos na pinamagatang, "Si Apolinario Mabini Laban kay Heneral Antonio Luna", mababasa ang mga lihim na sulat ni Mabini kay Presidente Emilio Aguinaldo na nagsasaad ng kanyang pagkasuklam at natatagong galit kay Heneral Antonio Luna. Naroon ang sabihin ni Mabini na si Luna daw ay isang despota, naguutos ng pagbaril ng walang paglilitis, hindi nakakaunawa ng hangganan ng kanyang katungkulan sa hukbo, at nakikialam sa pamamalakad ng gobyerno. Iminungkahi pa nga ni Mabini kay Aguinaldo na palitan na si Luna.

At noong mapatay si Luna, sumulat si Mabini sa kanyang kaibigang Galicano Apacible at sinasabi niya na nakabuti daw ang pagkawala ni Luna dahil ito ay nagpalayo sa "sigwang nagbabanta". At sinabi pa ni Mabini na nagkamali daw si Luna nang akalain niyang mahina at parang maniki si Aguinaldo, dahil sa pagkakilala daw niya kay Aguinaldo, kung natuloy daw ang balak ni Luna ay magkakaroon ng pagkakahati-hati na siyang pupuksa sa lahat.

Subali't nang siya ay nakabalik na mula sa pagkakatapon sa kanya ng mga Amerikano sa Guam iba na ang kanyang pagpapahalaga kay Luna at sa dati niyang among si Aguinaldo.  Binanggit ni Santos ang matinding atake ni Mabini laban kay Aguinaldo, at ngayon naman ay pagpupuri kay Luna sa kanyang sinulat na aklat sa Guam na pinamagatang "La Revolucion Filipina", at sinasabi dito ni Mabini na ang kasakiman daw ni Aguinaldo sa kapangyarihan ang siyang naging mitsa ng pagbagsak ng rebolusyon. 

Sa mga magkakasalungat na paglalahad ni Mabini tungkol sa katauhan ni Luna at Aguinaldo, alin kaya ang dapat paniwalaan at ituring na siya ngang tunay na posisyon ni Mabini?  And sabi ni Santos mangingibabaw daw ang opinyong nailahad ni Mabini tungkol sa ginawi ni Luna sa liham niya kay Apacible.  At maari ding sabihin na ang mga lihim na sulat ni Mabini kay Aguinaldo ay mangingibabaw din sa anumang pagpupuri ni Mabini kay Luna sa kanyang aklat pang publiko. May katuwiran nga si Santos, sapagka't mas malapit sa puso ng isang tao ang mga pangungusap na nabanggit sa isang "kautututan dila", sabi ng mga Tagalog, na ang kahuluga'y isang taong mapagakakatiwalaan ng lihim, kaysa mga pangungusap na sadyang inilaan para sa publiko at maraming taong makakarinig o makakaalam.

At nabanggit din ni Gregoria de Jesus (Oryang), ang balo ng Supremo Andres Bonifacio, sa paunang salita niya sa aklat ni Santos na hindi raw dapat ituring na "utak ng himagsikan" si Mabini dahilan sa siya'y huli na nang dumating.  At dagdag pa ni Oryang, luto na raw ang mga pagkain at nakahanda na ang hapag nang si Mabini ay dumating, tumikim at nakikain.

Kaya, ang tanong ay ganito: kung sa tingin ni Mabini parehong masama si Luna at si Aguinaldo, sino ang itatanghal na magaling? Ang kasagutan marahil ay hindi lalayo sa isang maikling salaysay ni Oryang . Sabi niya: "Naaalaala ko pa ng minsang dumalaw kami sa kaniya (Mabini) na ako, si Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang magkakasama at iba pa. Ng kami ay pauwi na ay narinig kong sinabi ni Emilio Jacinto kay Andres Bonifacio ang ganito: 'Katwa palang tao iyang si Mabini pati si Rizal ay sinisiraan na di dapat sabihin sa harapan' na sinagot ni Andres na 'Siyanga, nguni't ang ibig ni Mabini ay ipakilala na higit siya kay Rizal', kaya silang dalawa ay nagtawanan.'"

Narito ang kabuuan ng sinabi ni Santos tungkol sa magkasalungat na opinyon ni Mabini kay Heneral Luna:

"DALAWANG KURU-KURONG MAGKASALUNGAT NI MABINI

"Sino ang magsasabing si Mabini, ang bantug na lumpo at tinatawag ng ibang 'utak ng himagsikan' ay magkakaroon ng dalawang kuru-kurong tunay na nagkakasalungat?

"Kung ito'y ibabalita lamang sa sumulat ng mga talatang ito ay maaaring hindi ko mapaniwalaan agad. Nguni't iya'y siyang totoo. Na sa akin ang mga katibayan, kaya hindi ako makapag-aalinlangan kaunti man. 

"Sa kanyang napabantug na LA REVOLUCION FILIPINA na sinulat niya sa Guam at pagkatapos ay siya rin ang naghulog sa wikang ingles, ay pinakatuli-tuligsa niya si Aguinaldo at pinag-ukulan ng mapapait na paratang. Basahin natin ang kabanatang ika-X ng salin niya sa wikang ingles at ganito ang kanyang sinasabi: 
'Andres Bonifacio's death had plainly shown Mr. Aguinaldo's immeasurable ambition of power, and the personal enemies of Luna by means of clever intrigues exploited this weakness to ruin him.  If Aguinaldo, instead of killing Luna, had supported him with all his might, it should be too much presumption to say that the revolution would have triumphed; but I have not the least doubt that the Americans would have had a higher idea of the courage and military capacity of the Filipinos. If Luna were living, I am certain that the deadly blow given by General Otis would have been checked or at least avoided in time, and Aguinaldo's incapacity in the military command would not have been clearly demonstrated. Moreover, to get rid of Luna, Aguinaldo availed himself of the same soldiers the former had punished for breach of discipline; then Aguinaldo killed the discipline, destroying his own army. With Luna its firmest support, the revolution fell, and the ignominy of the fall, weighing entirely upon Aguinaldo, caused his moral death, a thousand times bitterer than the physical one; then Aguinaldo ruined himself, condemned by his own actions. That is the way Providence punishes the great crimes.'
"Na, ang salin sa tagalog ay ganito ang kahulugan: 
'Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan, at ang mga sariling kaaway ni Hen. Luna, sa pamamagitan ng mga hibo ay nakapagsamantala sa kahinaan niya, upang si Luna ay maipapatay. Kung kinatigan ng buong kaya ni Aguinaldo si Luna, sa halip na patayin, sabihing nagtagumpay sana ang Panghihimagsik, ay isa marahil na napakalabis na pangarap; nguni't hindi ako nagaalinlangang ang mga Amerikano sana'y nagkaroon ng mataas na pahalaga sa tapang at kakayahan sa pagka-militar ng mga Pilipino. Kung buhay si Luna, ay tiyak na masasabi kong ang dagok na ibinigay ni Heneral Otis ay nasugpo o kung di ma'y nailagan sana, at di napagkilalang maliwanag ang kawalang kaya ni Aguinaldo sa pamamanihala ng hukbo. Tangi sa rito, upang maiyalis si Luna ay ginamit ni Aguinaldo ang mga kawal ding pinarusahan nito, dahilan sa paglabag sa disiplina; pinatay nga ni Aguinaldo ang disiplina, at siya na rin ang lumansag sa kanyang sariling hukbo. Sa pagkahulog ni Luna na siyang lalong matibay na suhay, ay bumagsak ang paghihimagsik, at ang kalait-lait na pagkabagsak na buung-buong napapataw kay Aguinaldo ay siya ring pumatay sa dangal nito na makalilibong mapait kay sa pagkamatay ng katawan; si Aguinaldo nga'y siya ring sumira sa kanyang sarili, siya'y pinarusahan ng kanyang mga sariling lkagagawan. Ganito kung magparusa si Bathala sa malalaking katampalasanan.'
"Sa kuru-kurong iyan ni Mabini ay maliwanag na inanghihinayangan niya ang pagkamatay ni Luna. Iyan sa isang akdang kaya sinulat ay sa hangad na mabasa ng rami, nguni't sa sarilinan, sa isang sulat na ipinadala kay G. Galicano Apacible, naging Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at Likas na Kayamanan at kaibigang matalik ni Mabini, na noo'y na sa Hongkong, ay iba naman ang kanyang palagay at kuru-kuro sa pagkamatay ni Luna. Basahin natin ang ikatlong talata ng kanyang mahabang liham na niyari sa Rosales, noong ika-25 ng Hulyo ng 1899, at ganito ang nilalaman: 
'* * * por mas que yo deplore y repruebe la muerte violenta de Luna, la desaparicion de este ha alejado una tormenta que amenazaba. Luna aspiraba a mucho, convencido tal vez. de que era mas instruido que Puno y si no habia hecho nada era por que no habia adquirido aun el prestigio necesario para ponerse frente a frente de Puno (Aguinaldo). Por eso aspiraba, a la Presidencia del Consejo con la Secretaria de Guerra. La debilidad de Puno (Aguinaldo) para con el ha contribuido mucho a provocar sus ambiciones, por que como le dejaba obrar creyo que podria manejarle como un maniqui; pero como yo conozco a Puno (Aguinaldo), no es muy arriesgado suponer que si Luna hubiese conseguido lo que deseaba, hubiera ocurrido una division que tal vez nos hubiese aniquilado a todos.'
"Narito ang salin sa tagalog: 
'* * * baga man at dinaramdam ko at di minamabuti ang magahasang pagkakapatay kay Luna, ANG PAGKAWALA NITO AY NAGPALAYO NG ISANG SIGWANG NAGBABALA. Maraming hinahangad si Luna, sa pananalig marahil na siya ay may katalinuhang higit kay Puno (Aguinaldo), at kung hindi man gumawa ng ano man ay sapagka't hindi pa nagkakaroon ng kailangang Lakas upang makitalad nang harapan kay Puno (Aguinaldo). Dahil sa gayong pananalig ay naghangad na malagay sa Panguluhan ng Sanggunian na kalakip dito'y ang Kalihiman ng Digma. Ang kahinaan ni Puno (Aguinaldo) sa harap niya ay nakatulong upang gisingin ang mga paghahangad ni Luna, sapagka't pinabayaan siyang gumawa ay naniwala naman siyang maaari niyang ipalagay na parang isang maniki; nguni't yayamang nakikilala ko si Puno (Aguinaldo), ay hindi isang kapangahasang ipalagay na kung natamo ni Luna ang kanyang hinangad, sapilitang nagkaroon ng pagkakahati-hati na marahil ay nakapuksa sa lahat.'
"Sa harap ng dalawang magkasalungat na kuru-kurong iyan ni Malbini ay hindi kataka-takang pag-alinlanganan kung alin ang dapat paniwalaan: kung ang nakalagay sa kanyang akda na sadyang sinulat upang mabasa ng marami o kung ang sinasabi niya sa sarilinan. 

"Isa rin namang malaking palaisipan ito na kinakailangang isangguni sa bantug na orakulo ni Lola Basiang." (Jose P. Santos, "Si Apolinario Mabini Laban Kay Hen Antonio Luna", J. Fajardo, Maynila, 1928, pp. 23-26)
#TUKLAS

No comments:

Post a Comment